Sinag, Liwanag... Laya?

Sa karimlan ng langit, ang dilim ng gabi,
Patak ng luha'y nahulog sa batis.
Tadhanang marahas, dakilang naapi,
Sa daigdig ng dilim, bumalik-umalis.



Digma ng dugo at sigwa ng laman.
Silahis ng araw, sumilang sa silangan.
Araw na gulang ay nilukob ng karimlan.
Ilaw at dilim, nang mag-abot ay naglaban.



Kapangyarihang taglay na likas sa araw,
Pinalakas ng damdaming puno ng alab.
Nasapawan ang biyayang handog ni Adlao,
Ginhawa sa loob ay apoy na nagliyab.



Hindi natinag ang araw ng kadiliman,
Nagpanggap na pag-asa nitong ating bayan.
Hinikayat ang mga litong mamamayan,
Bumuo ng hukbong sadyang katatakutan.



Humupa ang kaguluhan, dilim ay napawi.
Sinag ng kalayaa'y nasapawa't nagapi.
Unti-unting nalimot, dahan-dahang nasawi.
Mapagkunwang liwanag ang siyang nagwagi.



Namuno sa bayan, ginapi ang kalaban,
Inialay rito, isang huwad na kalayaan.
Bayaning tinanghal ang putik na kaibigan,
Naging tanglaw na nagdadala sa kawalan.



Matagal nang nagapi, mapang-aliping lahi,
Atin nga bang nakamit, kalayaang mithi?
'Pagkat sa loob at labas ng bayan kong sawi,
Kaliluhan pa rin ang nangyayaring hari.



-Infinite Fate-
February 2005

Comments

Popular posts from this blog

Thirty One Years Ago

Weblog 09062024