It's worth the wait

May 29, 2010
10:36 PM

It happened just like the way I imagined it. No fancy dress, no music playing in the background. Just me and her, doing the most favorite thing that we do - talking.

Maraming nagtatanong sa kin kung bakit hindi ko pa sya tinatanong. Ang lagi kong sagot - naghihintay pa ako ng tamang oras. Kailan nga ba ang tamang oras? Sa tinagal-tagal ko nang walang girlfriend, ano pa nga ba ang hinihintay ko? Mahirap maintindihan, mahirap maipaliwanag, pero ang tamang panahon ay hindi napaplano, hindi napaghahandaan.

Walang plano, walang paghahanda - just one simple and honest moment.



Sa gitna ng aming pag-uusap, sa likod ng aking isip, sa kaibuturan ng aking puso, aking napagtanto: ito na ang hinihintay ko. Masarap talagang maramdaman na pagkatapos ng mahabang panahon, natagpuan ko na ang matagal ko nang hinahanap. Yung taong pwede kong makausap ng walang pagpapanggap. Yung taong tanggap ako at tanggap ko. Yung taong nagiging inspirasyon ko para abutin ang mga pangarap ko.

At sa gabing ito, habang kami ay nag-uusap, nabuo ang lakas ng loob upang itanong ang matagal ko nang hinihintay. Hindi ko namalayan, isang tahimik na ngiti pala ang nabuo sa aking labi. Isang ngiti na hindi nakalusot sa matalas nyang mga mata. Walang kamalay-malay, pilit nyang tinanong kung ano ang nasa isip ko. Nakakatuwa, sa isang payak na pagtaas ng dulo ng aking mga labi, alam na kagad nya na mayroon akong nais sabihin. Ito na talaga ang hinahanap kong pagkakataon.

Ang pagkakataon kung saan ang puso at isipan namin ay pinag-isa ng aming matapat at taimtim na pag-uusap. Ang pagkakataon na kahit walang sabihin, may pinag-uusapan. Ang pagkakataon na sa isang tingin, sa isang ngiti, sa isang yakap, mapagsasama ang dalawang magkahiwalay na indibidwal at nagiging isa.

Tinanong ko na sya. At tinanong ulit. Sumagot sya.

Sa ngayon, hindi na bago kung ano ang sinagot nya. Ngunit higit sa salitang binitawan, hindi hamak na mas mahalaga ang pagtatagpo at unawaan ng dalawang damdaming iisang bulong ang isinisigaw. Mahal kita.

Comments

Popular posts from this blog

Thirty One Years Ago

My Final Fantasy III