Susephya Yanib

Image from http://www.easyvectors.com/
Meron kang kasambahay. Ang pangalan nya ay Susephya Yanib. Napakagaling nitong kasambahay mo sa kanyang trabaho. Dahil sa kanya, malinis ang sahig, maayos ang mga kagamitan, at masasarap ang iyong pagkain. Masayang masaya ka sa serbisyong natatanggap mo.

Isang araw, bumili si Susephya ng isang "Wonder Walis" na nagkakahalagang Php2,800. Nang sumunod na araw, dumating ang iyong kaibigan kasama ang kanyang kasambahay. Tuwang tuwa sila sa iyong napakalinis at napakaayos na bahay. Nung tingnan nila ang Wonder Walis ni Susephya ay napansin nilang kaparehas ito ng walis tambo na gamit nila sa kanilang bahay. Pero yung walis tambo nila, Php500 lang. Nung nagpunta ka sa Department Store, nakita mo na ang presyo ng isang high-tech na vaccum cleaner ay Php2,500, mas mura pa sa Wonder Walis ni Susephya.

Dahil dito ay nag-imbistiga ka ng iba pang mga binili ni Susephya. Ang toilet bowl sa inyong palikuran ay binili nya sa halagang Php32,400 kahit ang presyo nito sa labas ay Php9,000 lamang. Ang inyong lababo ay nagkakahalagang Php24,800 ngunit sa pamilihan, ito ay Php10,000 lamang. Napag-alaman mo ring nagduda na rin pala ang anak mong si Dyunior dati sa mga presyong ito pero hindi ito nakarating sa iyo dahil nilibang sya ng mga anak ni Susephya. Sa tagal ng panahon ay marahil nakalimutan na ni Dyunior ang tungkol dito.

Nagbalik-tanaw ka sa inyong buhay siyam na taon ang nakaraan. Nung panahon na yun, ikaw ay may isang brand new, 200 square meters, three bedrooms na bahay. Si Susephya ay may isang payak na 40 square meters na bahay na may isang silid at may maliit na sari-sari store sa harap. Makaraan ang siyam na taon, ikaw ay meron pa ring 200 sqm, three bedrooms na bahay. Samantala, si Susephya ay mayroon nang 350 hectares na hacienda.

Hinarap mo si Susephya at ito ang kanyang sagot:
  1. Naiinggit lang po yung kaibigan nyo at yung kasambahay niya sa linis ng bahay natin
  2. World class po kasi yung wonder walis kaya po mahal
  3. Kasama ko po yung driver natin, si Dodong, kaya makakasigurado po kayo na talagang tama yung presyo nyan
  4. Tinanong na po dati ni Dyunior yung presyo nung toilet bowl at lababo kaya huwag na po natin pag-usapan yun ngayon
  5. Yung hacienda ko po ay galing sa kita ng sari-sari store namin

Ano ang iyong paniniwalaan?

Dalawa lang naman ang pinaka-punto ko sa lahat ng ito:
  1. Katungkulan ni Susephya na gawin ang kanyang mga trabaho. Karapatan mo bilang kanyang employer na i-enjoy ang mga benepisyong natatanggap mo dahil sa kanyang pagtatrabaho. HINDI mo utang na loob kay Susephya na ginampanan nya ng maayos ang kanyang katungkulan. Ito ang inaasahan sa kanya. Ito ay KARAPATAN mo.
  2. Sabihin man nating nagawa nya ang mga inaasahan mo, pero ang ginastos mo ay di hamak na mas mataas sa dapat mong bayaran, karapat-dapat pa rin ba syang pagkatiwalaan? Malinis nga ang bahay mo, pero ninanakawan ka naman pala, gusto mo pa rin ba? Oo, malinis ang iyong sahig, pero kung tama pala ang pag gastos sa pera mo, imbes na walis lang ay pwede palang nafloor wax at nafloor polish pa ang sahig mo. Oo, masasarap ang nakakain mong pagkain, pero sapat pala ang pera mo para makabili ng mas masasarap at mas masusustansya pang pagkain, hindi lang para sa yo, kundi para sa iyong mga kapamilya at kaibigan. Bagkus, ang nakinabang sa pinag hirapan mong kayamanan ay si Susephya at ang kanyang mga kapamilya at kaibigan.

Comments

Popular posts from this blog

Thirty One Years Ago

My Final Fantasy III